www.republika-online.com

Loading...

Online selling

Republika

SIPATIN NATIN! | Dodo R. Rosario

Panahon na para magkaroon ng batas laban sa mga panloloko sa online selling na napakarami nang tao ang nabibiktima. Panloloko sa mga gamit, mga gamot at pati na ang mga pagkain.


Mayroon ngang Department of Trade and Industry (DTI) na nagpapatupad ng Consumer Act of the Philippines o ang Republic Act 7394 pero ito ay inutil sa pagbibigay ng proteksyon laban sa online selling dahil na rin sa sadyang katamaran nireng departamento na mag-monitor ng mga panloloko sa online selling.


Bukod dito, napaka-corrupt din ng ilang mediation officers ng DTI na ang complainant ay paghihintaying dumating ang representative ng inirereklamong business establishment kahit na naabisuhan na ito sa mediation conference gayong kapag ang complainant ang maatraso sa naturang mediation conference ay ibabasura agad ng mediation officer ang reklamo. Halatang ang protektado para sa mediation officers ay ang interest ng establishments. Tsk, tsk, tsk!


Dapat ang panloloko sa online selling ay gawing criminal offense na patawan ng parusang 20-taon na pagkakulong at multa ng P200,000 at pataas para madala na ang mga hindoropot.


Ang parurusahan ay ang mga opisyal ng kumpanyang manloloko at isama na rin ang delivery man na hindi papayag na buksan ang package gayong karapatan ng lahat ang inspeksyonin ang kanilang inorder.


Parusahan ang mga hinayupak na manloloko sa online selling! Abangan!!!


Ang matinding panloloko sa online ay yaong nag-aalok ng mga gamot na mabisa raw laban sa halos lahat ng sakit. Yaon bagang mga sakit na halos hindi pa madidiskubre ang mga nararapat na gamot gaya ng sa cancer at diabetis.


Pero, naglipana ang mga iba ibang klaseng gamot na iniaalok sa online na mabisa raw magpagaling sa lahat ng uri ng mga nakatatakot na sakit! Sus, ginoo!


Biro n’yo, mga padrino ko, litanya ang mga inilalagay na sakit na kaya raw gamutin ng mga iniaalok na medisina sa online selling pero hindi raw mabibili ang mga gamot na iyon sa mga kilala at malalaking drugstore o botika. Sa kanila lang daw maaaring mabili ang kanilang iniaalok.


Obligadong namomonitor ng Department of Health (DOH) o ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga nag-aalok sa online ng mga gamot para maprotektahan ang mga mamamayan dahil siguradong wala silang karapatang mag-alok nito kaya siguradong labag sa batas ang kanilang ginagawa.


Ubra nang kasuhan ng illegal practice of medicine ang mga hinayupak na manloloko para sila maibalibag sa kulungan.


Ang mabisang gamot para sa mga nag-aalok ng gamot sa online ay ang makulong ng 20-taon. At ipalamon sa kanila ang lahat ng iniaalok nilang gamot hanggang sa mga bondat ang kanilang tiyan!
Palamunin ng gamot ang mga hinayupak!


Sang-ayon ako kanselahin muna ang malalaking Christmas party ngayong nagbabanta pa rin ang Covid-19.


Minsan nga lang sa isang taon ang Pasko pero maintindihan naman sana nating lahat na minsan rin lang mamamatay ang taong mahawaan ng Covid-19. Milyon pa ang gagastusin sa ospital sa pagpapagamot gayong walang katiyakan ang paggaling o kaligtasan ng magkasakit nito.
Ingat lang po tayo!


Same Category

OpEd

How do you solve a problem like China?

Republika
OpEd

Holy Ramadan month

Republika
OpEd

Women as leaders

Republika
OpEd

Covid cures soon

Republika