www.republika-online.com

Loading...

Korapsyon sa PNP

Republika

SIPATIN NATIN! | Dodo R. Del Rosario

Talamak na katiwalian sa Philippine National Police (PNP) ang tunay na kumitil sa buhay nina Sonia Gregorio, 52, at kanyang anak na si Frank Anthony, 25, na binaril ni Police Senior Master Sgt. Jonel Nuezca, sa Purok 2, Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac, noong Disyembre 20.


Biro n’yo, mga padrino ko, nasangkot na pala itong si Nuezca sa iba’t ibang seryosong kaso na gaya ng dalawang homicide, pagtangging magpa-drug test at hindi pagsipot sa korte na siya ay testigo sa isang drug related case kaya dapat sana ay noon pa siya sinibak sa serbisyo. Sa kanyang record ay makikitang tumakas pa siya sa drug testing dahil nga sa ayaw niyang magpa-drug test.


Pero sa halip na sibakin siya ng PNP hierarchy sa serbisyo ay nanatili siyang pulis. Hindi man lamang siya naparusahan sa kanyang mga kasalanang ginawa habang siya ay pulis! Sus, ginoo!


Ang kanyang pagtanggi sa drug testing ay nangangahulugang positibo siyang gumagamit ng iligal na droga. At ang kanyang hindi pagsipot bilang testigo sa isang hearing ng drug related case ay maaaring ituring na proteksyon niya sa drug suspects dahil nga sa siya mismo ay gumagamit ng droga. Tsk, tsk, tsk!


Kahit pa mahina ang ebidensya laban sa kanya sa kinasangkutan niyang homicide cases ay dapat inalam ng PNP hierarchy ang kanyang pag-uugali base na rin sa kanyang records na nakapandidiri.


Seryoso ang lahat ng kanyang mga kasalanan sa PNP. Hindi iyon nababagay sa isang pulis na binigyan ng kapangyarihang ipatupad ang batas. At inarmasan bilang proteksyon niya sa kanyang sarili sa pagpapatupad ng batas.


Pero, ang ginawa niya ay salungat sa kanyang sinumpaang tungkulin na ipatupad ang batas. Nilabag niya ang batas at ginamit niya ang kanyang kapangyarihan bilang pulis para labagin ang batas na dapat niyang ipatupad.


At ang kanyang mga ginawang paglabag sa batas na kanyang dapat ipatupad ay malinaw na makikita sa kanyang record! Record na naroroon lamang sa PNP headquarters at maaaring makita o tingnan ng sino man sa PNP hierarchy!


Pero sa kabila ng malinaw na masamang record ni Nuezca sa PNP ay hinayaan nilang manatili ito sa kanyang puwesto bilang pulis. Hinayaan pa nila itong humawak ng baril at magkaroon ng kapangyarihan bilang pulis.
Kung magkano, este, ano ang dahilan ay tanging ang mga hindoropot na opisyal sa PNP lamang ang nakakaalam. Sila lamang ang nakakaalam kung magkano, este, bakit nananatiling pulis ang criminal mind na tulad ni Nuezca.


Kaya kung nilinis lamang ng PNP ang kanilang hanay at sinibak ang mga tulad ni Nuezca na may masamang record ay buhay pa sana ang mag-inang Gregorio. Kung dinisarmahan lang sana ng PNP si Nuezca na tumangging magpa-drug test at nakasuhan na ng homicide o pagpatay, ay buhay pa sana sina Sonia at anak na si Frank. Malinaw na ang tunay na pumatay sa kanila ay ang talamak na katiwalian sa PNP! Malinaw para sa akin na nalusutan ni Nuezca ang dapat sana ay pagsibak sa kanya dahil meron siyang nilagyan na opisyal sa PNP! Patinuin ang PNP!


Same Category

OpEd

Assault on academic freedom?

Republika
OpEd

Concerns over vaccine procurement

Republika
OpEd

Teen sisters wake up Ati readers

Republika
OpEd

Usad-pagong

Republika