www.republika-online.com

Loading...

Grave coercion

Republika

SIPATIN NATIN! | Dodo R. Rosario

Sasampahan ko ng kasong grave coercion, unjust vexation at paglabag sa Republic Act No. 7610, ang Meralco, dahil sa pinutol nito ang supply ng kuryente sa aking bahay para pwersahin akong bayarang ang kanilang overcharged bills, Pinutol nila ang kuryente habang nasa online classes ang aking mga apo at ako naman ay maraming ginagawa sa aking laptop gamit ang wifi para sa aking online na dyaryo at mga oboligadong sagutin sa mga kaso ko.


Hindi dapat pinutol ng Meralco ang aking kuryente dahil sa inireklamo ko ito sa Energy Regulatory Commission (ERC) para magsagawa ito ng re-computation sa ilang overcharged bills lalo na habang nasa ilalim ng lockdown ang Luzon. May mga ebidensya akong nagpapatunay na ang aking konsumo ay naglalaro lamang sa P3,000.00 hanggang sa P4,300.00 mula Oktubre 2019 hanggang sa Marso 2020 at tumalon sa P5,000.00 hangang sa higit P6,000.00 at bumalik sa higit P3,000.00 nitong Enero, 2021. Tsk, tss, tsk!


Mayroon ngang Karapatan ang Meralco na putulin ang kuryente ng mga hindi nakababayad. Pero dahil sa kasong aking isinampa sa ERC ay dapat suspendido ang karapatang iyon kaya naniniwala akong grave coercion ang kasong maisasampa laban sa electric company.


Katunayan ay hindi isinama ng Meralco ang ilang buwan na binanggit ko sa aking reklamo sa ERC dahil tinatanggap nila na hindi muna nila ito masisingil dahil sa naturang kaso.


Pero mayroon silang 3-buwan na isinama sa pwersahan nilang pagsingil sa akin gamit ang pagputol ng kuryente na kailangan naming pati na sa pag-aaral ng aking mga apo sa online.


Kaya napilitan akong bayarang kinabukasan ng pagputol kaysa naman sa magpunta sa ibang bahay ang aking mga apo para makigamit ng wifi at kuryente na delikado dahil sa COVID-19 lalo na ang bagong variant nito na mabilis makahawa.


At bagaman natatakot akong lumabas ng bahay ay napilitan akong pumunta sa Bacoor Business Center ng Meralco para magbayad.
Pero, alam n’yo ba ang ginawa sa akin sa Meralco, mga padrino ko?


Nang binabayaran ko na ang P26,000.00 at reconnection fee na sinisingil nila para maibalik na ang aking kuryente, hindi nito tinanggap ang naturang reconnection fee dahil dapat daw na bayaran ko na rin ang bill para sa Enero, 2021! Sus, ginoo!


Pinilit ako ng Meralco na bayaran ang bill na hindi naman kasama sa sinisingil nila na dahilan ng pagputol! Hanggang Disyembre 2020, ang kanilang siningil sa akin kaya dapat ay hindi pa kasama ang January bill dahil sa hindi naman ito kasama sa unpaid bills na kanilang sinisingil nang putulin ang aking kuryente!


Pero dahil nga sa hindi nila muling ikakabit ang kuryente na kailangan namin lalo na ng mga apo ko sa kanilang online classes ay suko ako sa kanilang kagustuhan!


Sana panigan ako ng Office of the City Prosecutor sa aking isasampang kaso laban sa Meralco. At isasama ko sa reklamo sina Manuel V. Pangilinan at Atty. Ray Espinosa, ang mga boss nito sa kaso dahil sila ang gumagawa ng polisiya nito na hindi makatao! Abangan!


Same Category

OpEd

There oughta be a law

Republika
OpEd

A crowded presidential derby

Republika
OpEd

Freeing Britney

Republika
OpEd

From newsboy to new UP Regent

Republika